Darap sa Ikatlong Espasyo at Gadong sa Kuwarto: Pagbasa ng Kuwento ng Dalawang Ilonggong Manunulat

by Sep 9, 2016Literary Criticism (Kritisismo)

John E. Barrios
Universidad ng Pilipinas Visayas

Baryo, Banwa, at ang “Ikatlong Espasyo” sa Tunggalian ng Tradisyonal
at Moderno sa mga Sugilanon ni Norman Darap

Si Norman Darap ay isinilang sa siyudad ng Maynila ngunit lumaki sa baryo ng Cadabdab sa Tubungan, Iloilo. Siya ay nag-aral sa lungsod ng Iloilo.  Mahalaga itong banggitin dahil halos ito ang makikitang tunggalian sa kanyang mga sugilanon—ang tunggalian ng baryo at banwa—sa kanyang aklat na Pagpauli sa Tamarora (Kasingkasing Press, 2015) na binubuo ng limang sugilanon.

Sa mga sugilanon ni Darap, ang baryo ay hindi isang saradong espasyo. Palagi itong pinapasok, kung hindi man pinakikialaman, ng banwa at ang kakuntsaba nitong siyudad. Sa tagadalang sugilanon ng koleksiyon na “Pagpauli sa Tamarora,” ang baryo ng Tamarora ay nanatili na lamang sa imahinasyon ng pangunahing tauhang si Auring. Si Auring ay kinuha ng kanyang anak na babae sa baryo at inilipat sa banwa dahil hindi na siya kayang pagalingin ng manugbulong ng baryo, kasama na roon ang kanyang babaylang anak na si Dado, na iniwan ang pagiging inhenyero at sinundan ang yapak ng amang isa ring babaylan. Naniniwala ang kanyang anak na babae na doktor lamang ang makakabuhay sa kanya. Isang medtech sa isang ospital na malapit sa banwa ng Miag-ao ang kanyang anak. Subalit kahit na “nadagdagan” ang kanyang taon ng pananatili sa mundo, ang kagustuhan ni Auring na bumalik sa baryo ay hindi mawala-wala. Sa bandang huli, nakamit niya rin ito ngunit bilang halusinasyon na lamang—ang sinasabing mili-segundong pagkakataon na matupad ang lahat ng ninanais ng isang tao bago siya tuluyang malagutan ng hininga.

Maituturing namang isang penetrasyon ng siyudad, ang mas maunlad na kakambal-espasyo ng banwa, ang pagbabalik ni Budak sa Tubungan, Iloilo mula sa siyudad ng Cebu. Ang edukasyon at modernisasyon ng siyudad ang naghubog kay Budak para tumbahin ang tradisyonal na pnaniniwala ng kanyang mga magulang.

“Indi, ‘Nay, a! Buot ko silingon, gusto ko lang kon nga dal-on naton sa doktor si Nong Bugol. Didto mahatagan sya sang eksakto nga bulong…

‘Nay, basi nagsala kamo. Wala ako nagapati nga natabuan si Manong. Kon mariit ang sapa, kon nakapanghalit gid man sya sa mga tamawo, tani dugay na sya nag-ayo sa pila ka beses niyo nga pagpaubra sa babaylan,” aha ni Budak. (26)

Subalit ang syudad ay hindi isang kaaya-ayang espasyo para sa nanay ni Budak. Tulad ng baryo, ito ay napasok na rin ng “syudad” ng Tamawo. Sa pananaw ng kanyang ina, ang ginawa ng mga tamawo sa “nababaliw” na kapatid ni Budak ay ginawa rin nila kay Budak.

“Ay, yawa! Ngaa mas nakabalo ka pa sa amon haw?… Sang nagkadto ka sa Cebu, wala ka natabuan didto? Mas mariit didto. Sa lima ka tuig, ginkuha ka man sang mga tamawo sa amon kay sa pagbalik mo diri, may lain ka na nga dala!” Singgit sang iya iloy samtang gapalamula ang iya guya.

Hinali nga gin-uyatan sang Iloy ang tiyan ni Budak. “Ini, ano ining sulod sang tiyan mo? Ini timaaan nga natabuan ka man sa masiok nga syudad. Damo ka man sang nasalapay nga tamawo didto. Amo ‘na nga ang Amay sang bata mo, wala gid nagpakita kag indi namon makita. Wala ka gid naghalong sa syudad, Budak.” (26)

Pero sa bandang huli, matapos makunan si Budak dahil sa pagkakatulak sa kanya ng “baliw” na kapatid, nagdesisyon si Budak na bumalik sa Cebu at harapin ang mga “tamawo” sa syudad na yaon. Iniwan ni Budak ang Tubungan, isang baryo at espasyo na winasak ng syudad ng Cebu at ng hindi nakikitang “syudad ng Tamawo.” Ang kanyang pagbabalik sa Cebu, sa kabila ng dala-dalang kaalaman na ito ay “syudad rin ng Tamawo,” ay nagpapakita ng pagtatagumpay ng syudad kontra sa tradisyunalismo at paatras na buhay ng baryo.

Ang pagtatagumpay ng banwa kontra sa baryo ay karaniwang nakaangot sa mga institusyon tulad ng edukasyon, kalusugan, at sa teknolohiya. Tinumba ng medtech  na anak ni Auring sa sugilanong “Pagbalik sa Tamarora” ang kanyang pangarap na bumalik sa Tamarora sa pamamagitan ng opinyon ng doktor at gamot na kanyang iniinom, tinumba ang baryo Tubungan sa “Ulubrahon” ng moderno at modernisadong  deklarasyon ni Budak na produkto ng kanyang paninirahan sa syudad ng Cebu kontra sa babaylanismo, at sa sugilanong “Pinihakan,” ang konserbatibong pananaw ng baryo sa homosekswalidad ay kailangang talikdan at hanapin sa ibang modernisadong lugar. (Iyon nga lang ang pinapangarap puntahan na syudad sa Saudi Arabia ng pangunahing tauhang nars ay wala ring garantiyahang bukas sa homosekswalidad.)

Tanging ang sugilanong “Ngipon” ang nagbigay ng solusyon kung paano magtatagumpay ang baryo sa banwa. At ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng karahasan—ang pagtaga/pagmasaker sa mga tauhang impluwensyado ng banwa. Sa sugilanon, kailangang patayin ni Sidoy ang mga magulang ng kanyang nobya na si Arlene para mawala ang hadlang sa kanilang pag-iibigan. Ayaw ng mga magulang ni Arlene na ipakasal ang kanilang anak na maestra sa isang magsasaka lamang. Ngunit natuklasan rin ni Sidoy sa bandang huli na kahit si Arlene na umiibig pa rin sa kanya ay nalamon na ng banwa. Sa mga taon na kanyang inilagi sa banwa ng San Jose ay nalimutan na niya ang baryo at nahawa na rin siya sa gawain ng banwa. Inireto siya sa isang lalaking tagabanwa at ‘di kalaunan ay nabuntis. At para hindi tuluyang magtagumpay ang banwa, pinagtataga/minasaker din ni Sidoy si Arlene at ang kanyang tiyahin na kasama niyang naninirahan sa San Jose. Ginamit ni Sidoy ang itak/binangon bilang mapagpalayang teknolohiya ng karahasan.

Halos lahat ng mga tauhan na naipit sa tunggalian ng baryo at banwa ay humantong sa lungkot, kung hindi man pagtatanim ng galit sa kapwa tao at sa lipunan. Si Auring sa “Pagpauli sa Tamarora,” ay kailangan munang mamatay bago “makita” ang baryo ng Tamarora, si Budak sa “Ulubrahon” ay kailangang iwan ang baryo at ang mga magulang para muling harapin ang syudad, si Sidoy sa “Ngipon” ay kailangang pumatay at gamitin ang bundok—ang inakong espasyo ng mga rebelde— para mailigtas ang baryo sa impluwensiya ng banwa, at si Vincent sa “Pinihakan” ay kailangang iwan ang baryo kung saan nagdesisyong manatili ang minahal na lalaking si Louie. Tanging ang sugilanong “Olayra” ang nagtapos kung saan ang pangunahing tauhang si Olayra ay nagkaroon ng posibilidad ng kaligayahan.

Si Olayra sa sugilanong “Olayra” ay anak nina Minang at Akuy. Misteryoso ang pagkabuntis at iba ang kulay ng balat, buhok, at mata ng anak ni Minang kayat maaaring paniwalaan na may kinalaman ang mga tamawo sa kanyang panganganak. Nang magdalaga na si Olayra ay nagkaroon ito ng kasintahang tamawo na nangangalang Geraldo. Tutol ang mga magulang ni Olayra sa kanyang pakikipagrelasyon sa tamawo kayat ipinakasal siya sa isang binatang nangangalang Noli. Nagkaroon sila ng anak na si Natalia na kamukha ni Olayra at sa kasalukuyan ay siya namang nililigawan ng tamawo. Para mahinto ang pagkabaliw ng anak at tuluyang lubayan ito ng tamawong si Geraldo, sumama si Olayra sa dating nobyo at namuhay sa syudad ng mga tamawo.

Kung ang kaligayahan ay ang kawalan ng kalungkutan, masasabing hindi ito naranasan ng kahit isa man sa mga tauhan ni Darap maliban kay Olayra. Ngunit si Olayra ay hindi buo ang katauhang mortal. Ang pagkuha sa kanya ng tamawo ay nangangahulugan lamang ng pagbabalik sa kanyang pinanggalingan.

Ang mundo sa imahinasyon ni Darap ay espasyo ng kalungkutan na dulot ng pakikipagtunggali ng baryo sa bayan, ng bayan sa baryo. Ito ay sa dahilang, ayon kay Rolando Tolentino, ang tunggaliang ito ay nagdulot ng sitifikasyon ng modernidad. Subalit itong proyekto ng pagpasok ng “kaunlaran” sa baryo ay hindi naman talaga tumatalab dahil ang sentro (banwa/syudad) ay walang sapat na kapangyarihan para bantayan ang baryo.

[P]aratihang aproximasyon ng sentro ang ginagawa sa bayan (banwa), at paratihang aproximasyon ng bayan (banwa) ang ginagawa sa kanayunan (kabaryuhan) Ang dobleng aproximasyon sa bukid (baryo) ang siyang espasyo ng kawindangan ng nosyon ng kapangyarihan. Dahil wala ito sa mata o poder ng kapangyarihan, may sariling artikulasyon at interpretasyon ang bukid (baryo) sa bayan (banwa) at sa sentro. Kahit pa inaapi, maaari itong kumausap, namamaang-maangan o tumaliwas sa namamayanging kalakaran. (Tolentino 2007, 232)

Kaya nga’t maaaring pagtatagain/masakerin ni Sidoy ang mga alagad ng banwa at maibaling ang “krimen” sa mga rebeldeng nakatira sa bundok , pawalang-halaga ni Budak at anak ni Auring ang ulubrahon ng mga babaylan, iwan ni Vincent ang Tubungan, at itanghal ni Nanay Minang ang “ikatlong espasyo”—ang syudad ng mga tamawo. At maiakdang ang tanging kaligayahang makakamtan lamang ay ang posibilidad ng syudad na ito.

Sa ganitong konstruksiyon ng sugilanon, tinumba ni Darap ang mundo ng totoo (real) at iniangat ang mundo ng di-totoo. Si Darap ay masasabi nang pumapasok sa pagsulat ng postmodernismo kung saan ang mga mundo at espasyo ay nagtatagpo at sa bandang huli ay naitatanghal ang hindi makatotohanang pananaw na lagpas sa abot ng pangangatwiran ng tao.

Pagnanasà at pagkagising: diskurso ng sekswalidad

sa mga kuwento ni Sol A. Gadong

“Norms create deviants.” Ito ang isa sa mga sinabi ni Michel Foucault na may kinalaman sa kaayusang panlipunan. Sa kaso ng kasarian, ito ang maaaring magbigay-kahulugan sa mga gawaing may kinalaman sa sekswalidad o praktis angot sa napiling kasarian.

Ang mga kuwento ni Sol A. Gadong sa Nasà sa Dulo ng Dila (Kasing-kasing Press, 2015) ay mapanubok na hakbang upang bulabugin ang konsepto ng “maayos”. Sa anim na kuwento na nakasulat sa tatlong wika (Hiligaynon, Ingles, at Filipino) sa koleksiyon, karaniwang maayos na nailalahad sa mga kuwento ang kumbensiyon na kailangang sundin at igalaw ng mga tauhan. Ang mga tauhang hindi sumusunod at nagtatangkang baguhin ang mga kumbensiyon ay karaniwang nasa tabi o kung hindi man ay nagtatago. Ang pagsuway karaniwan ay diktado ng sarili—isang sariling naghahanap ng indibidwalidad. Sa madaling salita, isang sariling iba sa nakararami.

Sa kuwentong “Dungan sa Lanton” halimbawa, ang karakter ni Sophie ay kailangan pang umalis ng Filipinas at pumuntang Amerika upang makita ang kanyang sarili o ang pagiging tomboy. Ang Amerika ang nagpamukha sa kanya ng kanyang sarili at ito rin ang nagbigay-lakas sa kanya para magsalita at gawin ang gusto niyang gawin. Nahawa na lamang ang kanyang kaibigang si Tin. Kung hindi pa inunahan ng balik-Pinas na si Sophie ang tigil-Pinas na si Tin ay hindi pa maiaakda ang homosekswal na relasyon. At tulad ng mga konseptong “feminismo,” “homosekswalidad,” “LGBT,” at iba pang may kinalaman sa pag-akda ng sekswalidad, ang Amerika/Kanluran ang palaging “nagpapasiuna” at nagagaya na lamang sa Filipinas. Ngunit wala nga bang ganitong kasarian sa ating bansa bago dumating ang mga dayuhang Kastila at mapanakop na mga Amerikano?

Mula sa diksiyonaryong A Study of Akeanon Grammar: Dictionary of Root Words and Derivations ni David Zorc, et. al. (1969) ay mababasa ang salitang “asog” na ang katumbas sa Ingles ay “tomboy”. Ginamit rin ni Francisco Alcina (2005) sa  History of the Bisayan People in the Philippine Island, ang salitang ito para tukuyin ang isang homosekswal na lalaki. Kalaunan, tinukoy rin nito ang mga (lalaking) babaylan na kumalaban sa mga Kastila. Ang “asog” ay pwedeng tumayong henerikong salita na humahakop sa konsepto ng homosekswalidad sa parehong babae at lalaki.

Si Nagmalitong Yawa ng epiko ng Panay (sa Hinilawod ni F. Landa Jocano, 2000 at 2011) ay nagtataglay ng mga katangian ng asog. Siya ay parehong babaylan (makapangyarihan)  at binukot (itinagong babae). Para tulungang makalaya mula sa pagkakabihag ng isang milyong masasamang binukot ang kanyang magiging bana na si Humadapnon, siya ay nagpalit-anyo at naging isang lalake at nagpakilalang Buyung Sunsumakay. Dahil dito nagawa niyang buksan ang kuweba ng Tarangban at patayin ang isang milyong binukot gamit lamang ang kanyang iwa (punyal). Ang pag-ako niya ng katauhang pang-lalake ang nagbago sa kanya upang maging isang asog.

Masasabing isa sa mga naging katangian ng sinaunang asog ay ang pagiging matapang. Ang tapang na gawing iba ang sarili. Maging isang deviant. At ito ang ginawa ni Jing/Jinggoy sa kuwentong “Nagakaangay nga Panapton” ni Gadong. Imbis na magsuot ng bestida ay mas pinili niyang magsuot ng t-shirt at pantalon. Imbis na magsuot ng sandalyas ay mas pinili niyang magsuot ng rubber shoes. Higit sa lahat, imbis na makipagtalik sa lalaki ay mas pinili niya ang makipagtalik sa babae. Ginawa niya ito sa kabila ng establisado at normatibong pananaw ng lipunan—na laging ipinaaalala sa kanya ng kanyang nanay—tungkol sa tamang gawi at gawain ng isang babae. Pero postmodernong posisyon nga lamang ang inaaku ng texto ng kuwento. Ang “paglalantad” ni Jing/Jinggoy sa bandang huli ay nasa sakop pa rin ng pribado at indibidwalisadong espasyo—ang kuwarto. Halos ganito rin ang naging katapusan ng kuwentong “Tagpi-tagping Tala”. Ang karakter, kahit na muling nakipagtagpo sa babaeng m(in)ahal matapos ang ilang taong “paghihiwalay,” ay sa kuwarto pa rin nagkitang muli habang tini-text ang nanay tungkol sa katatapos na seminar na isa lang namang alibi. Kayat kung panoptikon ang silbi ng presensiya ng nanay (kahit ang koneksiyon ay selpon lamang), masasabing makapangyarihan at makapangyayari pa rin ang (di nakikitang) “titig” ng nanay.

Kung patuloy na nagtatago ang mga karakter na babae ni Gadong paano kung gayon maipapaliwanag ang pagkakaroon ng mga karakter na sumasama sa lalake matapos iwan ang mga naunang naging karelasyong mga babae sa kuwentong “Kuwentong MRT”? O ang palagi na lang napuputol na relasyon sa bagong magkakilalang dalawang babae na “nagpakaligaya” pa habang nasa eroplano sa “Flight”? Kung hindi mailalantad ang relasyong babae sa babae, ito’y papalitan ng babae sa lalaki o puputulin na lamang. Normatibo. Ang mamamayani pa rin ay ang normal na panlipunang kaayusan. Ang homosekswalidad ay isa na lamang istorbo na sa bandang huli ay maaari na lamang isantabi.

Sabi nga ni Foucault, “ang mga nagsasabi kung ano ang tamang gawi at gawain ay makikita kahit saan. Tayo ay isang lipunan ng titser na husgado, doktor na husgado, edukador na husgado, social worker na husgado.” Kailangan kung ganoon na gamitin ni Gadong si Nagmalitong Yawa mula sa epiko ng Panay para “paslangin” ang mga husgador sa lipunan. Sa ganitong paraan lamang makakalaya at makakalabas ng pribadong espasyo—ng kuwarto—sina Sophie, Tin, Jing, at iba pang tauhan sa mga kuwento ni Gadong.

Ang mga kuwento ni Gadong ay maituturing na pang-iistorbo upang gisingin ang kamalayang homosekswal. At hangga’t nagpapatuloy ang heterosekswal na relasyon, ang pagtakas/pagputol sa imbitasyon ng homosekswalidad, at ang indibidwalisasyon at pagiging pribado ng espasyo—ang pananatili sa kuwarto—ng dalawang babaeng nagmamahalan sa mga kuwento ni Gadong, malayo pa ang hinahangad na kamulatan ng lipunan.

Ang mga kuwento ni Gadong ay gising na, ngunit kailangan pang maging mulat.

  

Sinangguni:
Tolentino, Rolando B. Sipat at Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at
Pagtuturo ng Panitikan. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. 2007.
Share This